Ibinasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng pamahalaan ng Pilipinas na ihinto ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binasa ni Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut ang desisyon ng ICC nitong Martes ng hapon, Hulyo 18, kung saan mayorya umano sa Appeals Chamber ang bumoto upang tanggihan ang apela ng gobyerno ng bansa.

Iginiit ng Appeals Chamber na taliwas umano sa paulit-ulit na argumento ng Pilipinas, ang naturang desisyon ay hindi nakabatay sa hurisdiksyon ng ICC na magsagawa ng pagsisiyasat sa Pilipinas.

“Rather, the pre-trial chamber simply recalled and re-affirmed its previous findings on jurisdiction made on its decision, authorizing the investigation under Article 15 of the Statute,” saad ni Brichambaut.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Dahil sa naturang desisyon, maaari na umanong ipagpatuloy ni ICC prosecutor Karim Khan ang kaniyang imbestigasyon hinggil sa “war on drugs” ni dating Pangulong Duterte na humantong sa pagkasawi ng libu-libong indibidwal.

Matatandaang binuksan ng ICC noong Pebrero 2018 ang kanilang paunang pagsusuri laban sa war on drugs sa bansa na pinamunuan umano ni dating Philippine National Police chief at ngayon ay Senador Bato dela Rosa.

Makalipas ang isang buwan, Marso 17, 2018, nagpadala ang bansa sa ICC ng written withdrawal notice sa Rome Statutel sa instruksyon ni dating Pangulong Duterte. Kasapi ang Pilipinas ng Rome Statute, na siyang bumuo ng ICC, mula pa noong Nobyembre 1, 2011.

Nagkabisa naman ang naturang membership withrawal ng bansa noong Marso 17, 2019.

Samantala, noong Mayo 2021, humingi ng pahintulot ang ICC prosecutor na ilunsad ang imbestigasyon hinggil war on drugs sa bansa, bagay na inaprubahan pagkalipas ng apat na buwan.

Pansamantalang natigil ang naturang imbestigasyon matapos umapela ang gobyerno ng Pilipinas.

Ngunit noon lamang Enero 2023, pinayagan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ng Prosecutor’s Office na buksan muli ang imbestigasyon sa posibleng paglabag ng karapatang pantao ng war on drugs sa bansa matapos makitang wala umanong ginagawang “real o genuine effort" ang bansa hinggil dito.

Noong Pebrero 2023, muling naghain ng apela ang Pilipinas para itigil ang imbestigasyon.

Ibinasura naman ng ICC ang naturang apela nitong Marso dahil nabigo umano ang Pilipinas na ipaliwanag kung paanong tatalunin ng umano’y “absence of jurisdictional or legal basis” ang layunin ng ICC.

MAKI-BALITA: ICC, ibinasura ang apela ng ‘Pinas na suspendihin ang imbestigasyon sa drug war

Ngunit umapela muli ang gobyerno ng Pilipinas na ihinto ang imbestigasyon ng ICC, bagay na siyang ibinasura rin nitong Martes.

Ang nasabing desisyon naman ng ICC nitong Martes ay lumabas sa ika-25 anibersaryo umano ng Rome Statute.