Nakapasok na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang bagong low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hulyo 17.
Sa ulat ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio dakong 4:00 ng hapon, huling namataan ang LPA 925 kilometro ang layo sa silangang bahagi ng hilagang-silangan ng Mindanao.
Sa mga oras na ito ay wala pang direktang epekto ang LPA sa bansa, ayon kay Aurelio.
Gayunpaman, patuloy umanong makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Central Luzon, Cordillera, at Metro Manila dahil sa pinalakas na southwest monsoon o habagat.
Inihayag din ng PAGASA nitong Lunes na malaki ang posibilidad na maging bagyo ang bagong low pressure area sa susunod na isa o dalawang araw.
Sakaling maging bagyo, tatawagin umano itong “Egay.”
MAKI-BALITA: Bagong LPA, maaaring maging bagyo sa susunod na 1 o 2 araw