Muling naging bukas ang tinaguriang "Crystal Voice of Asia" na si Sheryn Regis sa kaniyang mga naramdaman at pinagdaanan matapos umasang mananalo sa "Star in a Million" singing contest sa ABS-CBN noong 2003, kung saan ang itinanghal na Grand Winner ay si Kapamilya singer at tinaguriang "Prince of Pop" na si Erik Santos.

Kontrobersyal ang naganap na Grand Finals dahil consistent number 1 si Sheryn tuwing weekly finals, hanggang sa tatlo na lamang silang natira nina Marinel Santos at Erik Santos.

Buong akala rin ng lahat, si Sheryn na ang tatanghaling Grand Winner. Inawit niya ang "Come On In Out Of The Rain."

Pero bumulusok ng gabing iyon si Erik Santos nang awitin niya ang winning piece na "This Is The Moment." Siya ang itinanghal na Grand Winner.

Boss Toyo, nanawagang isabay ang 1k relief packs sa mga pupuntang Bicol

Kitang-kita ang reaksiyon ng mukha ni Sheryn, na tila hindi makapaniwalang hindi siya ang tinawag na Champion.

Niyakap pa siya nang matagal ng noo'y host na si Edu Manzano.

Pagkatapos, inalo naman siya ng iba pang mga naging contestant dahil walang humpay ang kaniyang naging pag-iyak.

Si Erik ay wildcard lamang at muling nakabalik para sa finals.

Sa concert ni Sheryn na "All-Out" kamakailan, inamin ni Sheryn na nakaranas siya ng post-partum depression nang mga panahong iyon.

Ang habol talaga niya ay cash prize na ₱1M, subalit ₱16k na lamang ang naiuwi niya para sa consolation prize.

Naisip daw niya ang kaniyang pamilya dahil kailangan nila ng pera.

Maya-maya, biglang dumating si Erik sa stage at nagyakap silang dalawa.

Makikita ang video nito sa Facebook post ni Darla Sauler.

Hindi ito ang unang beses na naging bukas si Sheryn. Sa panayam sa kaniya sa "Gandang Gabi Vice" noong Nobyembre 30, 2015 kasama si Mark Bautista, harap-harapang sinabi ng Visayan singer na nasaktan siya sa naging resulta.

Gayunman, maganda naman umano ang relasyon nila ni Erik at pareho na silang matagumpay at kinikilala ngayon sa music at showbiz industry.