Ibinunyag ng Kapuso actor na si Alden Richards sa kaniyang interview sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ang “pagkatakot” na naramdaman sa unang pagkikita nila ni Megastar Sharon Cuneta.
Sa panayam kay Alden, napag-usapan nila ni Tito Boy ang tungkol sa paparating niyang proyekto.
Itinanong sa kaniya ni Tito Boy kung kumusta raw ang una niyang proyektong kasama ang nag-iisang Megastar.
“Mayroon kang pelikula kasama ang nag-iisang Megastar Sharon Cuneta. First time to work with the Megastar, how was it?” tanong ni Tito Boy.
Direkta naman itong sinagot ni Alden.
“Intimidation is there, Tito Boy. Megastar po eh,” aniya.
“Paano mo nalampasan iyong takot na ‘yon?” pasundot pang tanong ni Tito Boy.
“Parang day 1 pa lang po na magkasama kami, when we first met for the workshop, for the movie po, parang all the walls are already break but syempre iba pa rin po iyong nasa likod po kami ng camera, we can be ourselves,” dagdag pa niya.
Sa huli, ibinahagi pa ni Alden na hindi mo na kailangang magpakitang-tao kapag kasama na si Sharon.
“Si mama kasi po, ’pag nasa stand-by area po kami or hindi pa nagro-roll iyong camera niya, you can be (yourself) around her. That’s how she makes me feel,” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, ibang closeness na ang makikita kina Alden at Sharon na itinuturing nang mag-ina ang isa’t isa.