Nabanggit ni Ogie Diaz sa kaniyang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" na tila nagbabalak ng demanda ang Optimum Star na si Claudine Barretto laban sa dating sexy star na si Sabrina M.

Ito ay dahil sa claim ni Sabrina na nagkaroon sila ng relasyon ng yumaong Kapamilya actor na si Rico Yan, bago ito sumakabilang-buhay noong Marso 29, 2002 habang nagbabakasyon sa Dos Palmas, Palawan.

MAKI-BALITA: ‘Patahimikin na ang patay!’ Sabrina M sinalakay ng bashers dahil kay Rico Yan

Nabanggit ni Sabrina M sa panayam sa kaniya ng press noong media conference para sa pelikulang "Manang," na alam daw ni Claudine ang tungkol sa bagay na ito, subalit hindi nila napag-usapan.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Sa rebelasyon ni Ogie, nagmula mismo sa kaibigan ni Sabrina ang kumpirmasyong hindi raw totoo ang mga nasabi ng dating sexy star.

MAKI-BALITA: ‘Forda promotion?’ Sabrina M, bakit daw nag-iilusyong naging sila ni Rico Yan

Pinigilan na aniya siya ng mga kaibigan na huwag nang ungkatin ang past, lalo na't hindi naman daw totoo.

Sabi pa raw ni Sabrina, "Eh hayaan mo na, nandiyan na 'yan..."

Dahil dito, tila "nabuwisit" daw si Claudine kay Sabrina at tila nagbabalak magsampa ng demanda sa kaniya.

"Eh hindi, dahil nabubuwisit si Claudine Barretto," anang Ogie. "Balak magdemanda ni Claudine Barretto dahil hindi raw totoo yung sinasabi ni Sabrina M, na aware si Claudine. Ginagamit pa si Bobby Yan (kapatid ni Rico). Ang claim ni Sabrina M eh binigyan pa raw siya ng bulaklak ni Bobby Yan para ilagay roon sa nitso bago isara. Hindi rin naman daw totoo."

Kaya tanong ni Ogie, "Bakit Sabrina? Bakit kailangang mag-imbento, kung gustong magbalik?"

Tanong pa ni Mama Loi, bakit daw si Rico Yan pa ang naisip niyang "gawan" ng kuwento? Bagay na hindi rin daw masagot ni Ogie. Basta ang alam niya, napaka-gentleman ng yumaong aktor.

Biro pa ni Ogie, siya nga raw na close sa aktor at "atungal nang atungal" nang ihatid nila sa huling hantungan si Rico, ay hindi man lang naabutan ng bulaklak para isama sa nitso bago isarado nang tuluyan.

"Sabrina naman, tigilan mo na 'yan, ha," sey pa ni Ogie.

Paalala ni Ogie na "ipahinga" ni Sabrina M ang ideyang iyon at huwag na siyang gumamit ng pangalan ng patay. Hindi na raw maipagtatanggol ng tao ang kaniyang sarili dahil wala na nga siya.

Isa pa, nag-deny na rin sina Claudine at Bobby tungkol sa mga nasabi ni Sabrina M.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Sabrina M patungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.