Proud na ibinahagi ni Kapamilya star Jodi Sta. Maria kung kumusta na ba ang kuting na napulot niya sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA noong Enero 5, 2023.
Matatandaang habang nasa NAIA Terminal 1 si Jodi, isang kuting ang napansin niyang pagala-gala at nadudunggol pa ng mga paa at cart ng mga pasaherong nagmamadaling payao't dito sa loob ng paliparan.
MAKI-BALITA: ‘Poor kitty now has a new home!’ Jodi, pinulot at inuwi palakad-lakad na kuting sa airport
Nagmagandang-loob si Jodi na kunin ang kuting, dalhin sa beterinaryo, at iuwi na lamang sa bahay upang alagaan.
"Naia" ang pangalang ipinagkaloob niya sa bagong pet cat bilang alaala kung saan niya napulot ito.
Hindi makakalimutan ni Jodi ang kaniyang karanasan nang kunin si Naia mula paliparan dahil isang matandang pasahero pa raw ang hindi nakakilala at nagalit pa sa kaniya.
MAKI-BALITA: ‘Di nakilala?’ Jodi, napagalitan ng isang pasahero sa airport matapos ‘iligtas’ ang kuting
Ibinahagi ni Jodi kung ano-ano ang mga ginawa niya upang mas maalagaan pa ang pusa.
Makalipas lamang ang halos anim na buwan, heto't muling ibinida ni Jodi sa publiko ang kalagayan ng kaniyang pusa.
Kitang-kita ang kaibahan ng anyo nito ngayon. Masasabing alagang-alaga nina Jodi ang kanilang pet cat na si Naia.
"Good morning. This is me now. Found a favorite spot in the kitchen. My mom’s cook top 😽 ~ Naia 🤍," mababasang social media post ni Jodi kahapon ng Lunes, Hulyo 10.
https://twitter.com/JodiStaMaria/status/1678192130437545985
Hindi naman naiwasan ng mga netizen na purihin ang pag-aalaga ni Jodi para sa pusa.
"Grabe, bilis ng panahon, ate! Sobrang healthy-looking na ni Naia ngayon compared nung unang beses mo/namin siyang nakita. Nakakatuwa."
"OMG! Sobrang laki na talaga nang pinagbago ni Naia parang kelan lang nang magtagpo ang landas n'yo mhie Jods sa airport. And now ooohhh so cute."
"Amazing! Ang laki ng iginanda niya..."
"Nakakabilib! She's so pretty and adorable!"
Ang pangalan ni Naia ay binibigkas ng "Naya."
Sana raw, laging magbigay ng updates sa kaniyang followers si Jodi patungkol kay Naia.