Standby funds para sa Albay evacuees, higit ₱2B pa! -- Malacañang
Nasa ₱2 bilyon pa ang standby funds at imbak na pagkain ng pamahalaan para sa mga lumikas na residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito ang isinapubliko ng Malacañang nitong Lunes batay na rin sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC).
Ang naturang halaga ay binubuo ng ₱256,954,789.70 standby funds/quick reaction funds at ₱1,799,694,154.02 na halaga ng stockpiles o reserbang supply ng pagkain.
Kaugnay nito, sinabi rin ng Malacañang na umabot na sa ₱105 milyong humanitarian assistance ang naipamahagi sa libu-libong lumikas na nasa 26 evacuation center sa Region V.
Sinabi naman ng DSWD, ang naipamahaging tulong ay mula sa ahensya, mga local government unit, at non-government organizations.
Matatandaang lumikas ang mga residente dahil sa tumitinding pag-aalburoto ng bulkan at nakaambang pagsabog nito.