Ibinahagi ng tinaguriang "Pambansang Bae" na si Alden Richards na tinanggihan niya ang alok sa kaniya ng pamunuan ng GMA Network na mag-guest sa isang noontime show, sa kasagsagan ng bakbakan ng tatlong pangunahing noontime show sa bansa noong Hulyo 1, 2023.

Sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Alden na pinakinggan naman ang kaniyang panig ni GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes tungkol dito.

"Delicadeza" ang umiral kay Alden lalo't sumikat siya nang husto sa "Eat Bulaga!" ng TVJ matapos umusbong ang tambalang "AlDub" sa Kalyeserye.

Kahit nasa ibang tahanan na ang TVJ at iba pang "legit Dabarkads," mananatili pa rin sa puso niya ang mga dating kasamahan. Hindi man siya nakasama sa kanila dahil sa kontrata niya sa Sparkle GMA Artist Center pati na sa Kapuso Network, mananatili raw ang puso niya para sa kanila.

National

Painting ni Amorsolo sa private museum sa NegOcc, ninakaw!

Kaya tinanggihan daw niya ang alok na mapanood sa isang noontime show na katapat ng "E.A.T" sa GMA Network.

Dalawa ang umeereng noontime shows sa Kapuso Network: ang "Eat Bulaga!" na may bagong hosts at segments na, at ang kalilipat na "It's Showtime" sa GTV, matapos mawalan ng time slot sa TV5.

Hindi tinukoy ni Alden kung alin sa dalawa ang pinakiusapan siyang mag-appear as a guest.

Kung sa promo lang, baka puwede pa raw pumayag si Alden, pero kung maging guest o regular co-host, baka raw i-decline niya ito.

"If it's about promo, ok po pero as a guest and regular host, baka hindi po muna kasi yung puso ko po is with the Dabarkads," aniya.

"Tahimik lang ako all throughout the issue, hindi po ako nakikisawsaw pero by the time kasi na natanong ako about my relationship with TVJ, syempre sinabi ko po yung piece ko."

"Hindi naman po ako plastik. Hindi ko pwedeng sabihin na wala kaming pinagsamahan ng Dabarkads before. Hindi ko pwedeng sabihin na dahil wala na sila sa GMA, I let go of things that we have shared all throughout those seven years. Hypocrite po naman siguro ako kung sinabi ko yun, di ba? So sinabi ko lang po yung totoo," dagdag pa.

Nakapanayam si Alden ng press sa media conference ng "Battle of the Judges" na ginanap nitong hapon ng Linggo, Hulyo 9, 2023.

MAKI-BALITA: Maine bet pa ring makasama si Alden sa noontime show ng TVJ