Inihayag ng isang opisyal ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi inaasahan ang epekto ng El Niño sa inflation ng bansa ngayong taon.
Sa ulat na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado, Hulyo 8, siniguro ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon na nagsasagawa na ng mga hakbang ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang masugpo ang mga posibleng negatibong epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Bagama’t hindi umano inaasahang maaapektuhan ng long-dry spell ngayong taon ang inflation, sinabi ni Edillon na maaaring maganap ang phenomenon sa pagsisimula ng taong 2024.
“Ngayong taon na ito hindi namin nakikita iyon. Kung impact for next year that really depends on how we’re able to prepare this year,” saad ni Edillon.
“Iyong brunt talaga ng El Niño we expect it to happen by beginning of next year of 2024 kaya lang iyong preparasyon para doon kailangan ngayon nagsisimula na,” dagdag niya.
Binanggit din ni Edillon na makatutulong sa pagpapagaan ng mga epekto ng El Niño ang pagbabawas ng alokasyon para sa irrigation water para sa residential use sa Angat Dam.
Dagdag niya, dapat samantalahin ang madalas na pag-ulan na nararanasan sa buong bansa, tulad ng pagpapabilis sa pagkumpleto ng mga maliliit na impounding water projects.
Sinabi ni Edillon na walang nakikitang malaking epekto ang gobyerno ng El Niño sa ekonomiya at inflation ng bansa kung isasagawa ang nararapat at napapanahong paghahanda at contingency measures.