Unang reklamo sa DOTr Commuter Hotline, naaksiyunan sa loob ng 24-oras
Unang reklamo sa DOTr Commuter Hotline, naaksiyunan sa loob ng 24-oras
Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes na natanggap na nila at naaksiyunan sa loob lamang ng 24-oras, ang unang reklamong itinawag sa bagong lunsad na DOTr Commuter Hotline.
Ayon sa DOTr, inaksyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB (LTFRB) ang itinawag na reklamong cutting trip ng mga pampublikong sasakyan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na isang text message ang natanggap ng DOTr Commuter Hotline noong Miyerkules ng hapon kung saan inirereklamo ng mga commuters, ang umano’y cutting trip ng mga jeep na bumibiyahe sa rutang Pasay Rotonda-Alabang via Service Road.
Nabatid sa reklamo na pinapababa na ang mga pasahero sa SM Bicutan, sa halip na dumiretso ang pampasaherong jeepney sa Alabang, para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Dahil sa cutting trip, inirereklamo ng mga pasahero ang dagdag gastos sa pamasahe dahil tatlong beses nilang kinakailangan magpapalipat-lipat ng jeepney.
Sa isinagawang operasyon ng DOTr at LTFRB Law Enforcement sa SM Bicutan dakong alas-2:00 ng hapon Huwebes, ay nahuling nag-cutting trip ang dalawang traditional public utility jeepneys.
Nasa limang modern public utility jeepneys din ang nahuli sa kasunod na operasyon sa MIAA area.
Kaagad namang inisyuhan ng ticket ang mga drayber ng mga nahuling jeepney na kinakailangang magbayad ng multang P5,000 bilang first offense sa cutting trip, na paglabag sa Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 kaugnay ng prangkisa ng pampublikong sasakyan.
Nauna nang inilunsad ang DOTr Commuter Hotline 0920-964-3687 kung saan maaaring magreport ang mga commuter ng kanilang mga reklamo Lunes hanggang Biyernes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.