Matapos ang halos lagpas dalawang dekada, sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin ng dating sexy star na si Sabrina M na nagkaroon sila ng lihim na relasyon ng yumaong Kapamilya star na si Rico Yan.

Pagkatapos daw ng relasyon ni Rico sa kaniyang ex-girlfriend na si Claudine Barretto, saka naman daw pumasok sa eksena si Sabrina, rebelasyon niya sa isang press conference para sa pelikulang "Manang" ngayong Huwebes, Hulyo 6, na ginanap sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin Entertainment, dahil magkaiba sila ng imahe, minabuti na lamang daw ng dalawa na itago sa publiko ang kanilang relasyon.

Sexy star kasi ang imahe niya noon habang si Rico naman ay wholesome na heartthrob.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Nang magsimula na raw ang tsismis noon na may relasyon sila, marami raw ang "dumurog" sa kaniya. Pinagtaasan daw siya ng kilay dahil pinatulan daw siya ni Rico na isang "hubadera."

"Napakabait ni Rico Yan. After Claudine, naging kami ni Rico Yan. Matagal kaming nagkarelasyon. Taon. Noong nag-uumpisa na yung tsismis sa akin, dinudurog na agad ako. Rico Yan 'yan eh? Bakit siya pumatol sa isang sexy star? Bakit siya pumatol sa isang hubadera?"

"Pero bilib ako kay Rico dahil hindi siya mapanghusga. Pinagtatanggol pa niya (ako) sa ibang tao. Sinasabi niya kilala ko si Sabrina M, kaya huwag ninyo siyang i-judge," aniya.

"Hon" pa nga raw ang tawagan nila o pinaiksing "honey."

Nagkakilala raw sila nang mag-guest siya noon sa noontime show na "Magandang Tanghali Bayan (MTB)" sa ABS-CBN kung saan ito sa mga host. Ang MTB ay pinangunahan nina Randy Santiago, John Estrada, at Willie Revillame noon, katapat naman ng "Eat Bulaga!" ng TVJ.

Dumadalaw-dalaw raw si Sabrina sa puntod ni Rico kapag nagagawi siya sa sementeryong kinalalagakan ng mga labi nito. Noon ding mga burol ay naroon din siya.

Nang mamatay raw si Rico ay in a relationship daw sila. Alam daw ni Claudine ang tungkol dito, subalit hindi nila pinag-usapan. Iginiit ni Sabrina na hindi niya inagaw si Rico mula kay Claudine.

"Alam po ni Claudine na naging kami. Pero never pa namin pinagusapan po. Wala namang problem kasi noong naging kami, wala na sila ni Claudine. Hindi ko naman inagaw si Rico sa kanya noong sila pala. Nagkaroon sila ng movie na 'Got To Believe' pero wala na sila no'n. Kami na no'n at alam ko meron na ring iba si Claudine noon," aniya pa.

Namayapa si Rico noong March 29, 2002 sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa cardiac arrest dulot daw ng acute hemorrhagic pancreatitis habang natutulog.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Claudine o ang pamilya ni Rico tungkol dito.