PCSO: Nagwagi ng ₱58.9M jackpot sa GrandLotto 6/55, taga-Pangasinan
PCSO: Nagwagi ng ₱58.9M jackpot sa GrandLotto 6/55, taga-Pangasinan
Kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang taga-Pangasinan ang pinalad na magwagi ng ₱58.9 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ng PCSO nitong Huwebes, nabatid na nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Asinan, Bugallon, Pangasinan.
Anang PCSO, matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination na 05-01-27-26-44-11 ng GrandLotto 6/55.
Dahil dito, naiuwi niya ang katumbas nitong papremyo na ₱58,983,172.20.
Pinayuhan naman ng PCSO ang mapalad na mananaya na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City.
Kinakailangan din umano nito na iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin naman ang PCSO na alinsunod sa TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax.
Samantala, ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang buwan matapos ang araw ng pagbola dito ay otomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.