'Love the Philippines' video controversy: Kontrata ng DDB Phils., kanselado na! -- DOT
Kinansela na ng Department of Tourism (DOT) ang kontrata nito sa advertising agency na DDB Philippines na may hawak sa "Love the Philippines" slogan kasunod na rin paggamit ng huli ng stock footage ng magagandang tanawin na kinunan sa iba't ibang bansa.
Paliwanag ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco, dismayado ang ahensya sa paggamit ng DDB Philippines ng stock footage na makatutulong sana sa Pilipinas sa pagsusulong ng turismo nito sa ibang bansa.
Inihanda ng DDB Philippines ang audio-visual presentation (AVP) para sa “Love the Philippines” bilang bahagi ng pagpapalakas nito sa tourism branding campaign para sa Pilipinas.
Gayunman, pinuna ito sa social media matapos mabisto na ilang bahagi ng footage ay kinunan pa sa iba't ibang bansa.
Sa ilalim ng kasunduan ng DOT at DDB Phils., dapat ay orihinal at nahahanay sa mga adbokasiya ng nasabing ahensya ng gobyerno ang tourism branding campaign nito.
"The DOT reserves the right to change, suspend, or discontinue temporarily or permanently the contract at any time should the DOT deem the agency incapable of the project," ayon sa bahagi ng kasunduan.
Kaagad na namang itinanggi ni Frasco na nagbayad ang ahensya ng ₱49 milyon sa DDB Philippines para sa nasabing promotional video.
Aaron Recuenco