Isang taga-Mindanao ang naging bagong instant multi-millionaire ng lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos na magwagi ng tumataginting na ₱35.3 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 na binola nitong Lunes ng gabi, Hunyo 26, 2023.

Sa abiso ng PCSO nitong Martes, Hunyo 27, 2023, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination na 26-40-06-12-44-14 ng MegaLotto 6/45 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na ₱35,502,637.60.

Larawan mula sa PCSO

Nabili umano ng mapalad na mananaya ang kaniyang lucky ticket sa Magsaysay St., Brgy. Eastern, Wao, Lanao del Sur.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Upang makubra ang kaniyang premyo, pinayuhan naman ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang lucky winner na magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kaniyang winning ticket at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay isasailalim sa 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.

Ang lahat naman ng premyo na hindi makukubra, sa loob ng isang taon, mula sa petsa ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa Charity Fund ng PCSO.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.