Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pa nang pagbabarilin ng tatlong suspek habang nag-iinuman sa isang binyagan sa Rodriguez, Rizal nitong Linggo.
Kaagad na binawian ng buhay si Francis Cordova dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang sugatan naman si Nomer Marin, na ginagamot sa Ynares Memorial Hospital dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Samantala, naaresto ng mga pulis sa follow-up operation ang suspek na si Sarex Base habang pinaghahanap pa ng mga pulis ang dalawa pa niyang 'di kilalang kasamahan.
Base sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Brgy. Suburban, sa Rodriguez.
Bago ang krimen ay dumalo umano sa isang binyagan ang mga biktima at nagkayayaang mag-inuman.
Gayunman, sa kasagsagan ng kanilang inuman ay bigla na lang umanong sumulpot ang mga suspek at sa 'di pa batid na kadahilanan ay bigla na lang silang pinagbabaril bago mabilis na nagsitakas.
Naaresto sa follow-up investigation si Base habang tinutugis pa ng mga otoridad ang dalawa pa niyang kasabwat sa krimen.