‘As a certified commuter with flying colors…😁’

Sa gitna ng mga nauusong pa-money sash ngayong season ng graduation, kwelang ginawang sash ng Information Technology graduate at Cum Laude na si Nicole Castro, 22, mula sa San Ildefonso, Bulacan, ang pinagdugtong-dugtong na mga naipon niyang bus tickets sa pagpasok sa unibersidad.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Castro na naipon ang kaniyang mga bus ticket dahil simula first year college ay sumasakay na raw siya ng bus patungo sa kanilang unibersidad sa Bulacan State University sa City of Malolos.

“From anyatan [sa] San ildefonso po to plaridel, pag papasok po ako ng bulsu tapos same din po pagpapauwi, bus po talaga sinasakyan ko since sobrang init saka mas mabilis po byahe kahit standing ng 1-2 hours plus 30 minutes na pagiintay ng bus,” kuwento ni Castro.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

“Naiipon ko lang po kase sya talaga kase ang dami talaga nya, until nakakita ako ng post ng money sash sa fb naisipan ko na gawing sash yung mga bus ticket ko,” dagdag niya.

Nasa 20 raw ang piraso ng bus ticket na pinagdugtong-dugtong ni Castro na naitabi niya mula sa mula first year college.

“Kapag nakikita ko po kase yung bus tickets, ko naiisip ko yung kwento [sa] bawat bus na nasasakyan ko, pati na rin po ‘yung gastos kada papasok,” ani Castro.

Marami namang natuwa nang i-post sa Facebook page ng BulSU Capture ang larawan ni Castro na nakasuot ng naturang pinagdugtong-dugtong na bus tickets.

Sa ngayon ay umabot na ito sa mahigit 1,700 reactions, 67 comments, at 73 shares.

“Nakakatuwa din po sa part ko na madaming nakakarelate sa post, lalo na po ‘yung mga kagaya ko na nag-co-commute din po papasok. Masaya lang din po ako na masaya sila,” saad ni Castro.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!