Detainee Jad Dera, 6 NBI personnel kinasuhan dahil sa 'midnight ride'
Detainee Jad Dera, 6 NBI personnel kinasuhan dahil sa 'midnight ride'
Kinasuhan na ang detainee na si Jose Adrian "Jad" Dera at anim na security personnel ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos silang dakpin dahil sa paglabas ng detention facility ng NBI nang walang permiso.
Si Dera ay ipinagharap ng kasong corrupting public official sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code (RPC) dahil sa umano'y panunuhol sa mga guwardiya upang payagan siyang lumabas sa detention facility ng apat na oras nitong Martes ng gabi.
Sinampahan naman ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Infidelity in the Custody of Prisoners ang nabanggit na anim na guwardiya ng NBI.
Kaagad namang tiniyak ni DOJ spokesperson Mico Clavano, na masisibak sa puwesto ang mga dawit sa usapin.
Paliwanag ni Clavano, kumpirmadong lumabas ng NBI detention center si Dera, kasama ang anim na tauhan ng Security Division ng ahensya.
Mismong mga tauhan ng NBI ang umaresto kay Dera at anim na guwardiya sa loob mismo ng NBI van habang pabalik na sila sa headquarters ng ahensya.
"I just want to emphasize na itong pangyayari na ito has revealed that there is this connivance between certain people in detention and those in the NBI that allow for them to temporarily go out of the detention center and come back in,” ani Clavano.
“So, this would not have happened if there was no connivance. Kaya we are hell bent on making heads roll for this incident. This is unacceptable and we will file the necessary disciplinary actions and any other cases that this may warrant," sabi ng opisyal.
Philippine News Agency