“Napakabusilak ng puso mo, Kuya!”

Marami ang naantig sa post ni Jhed Reiman Laparan, 28, mula sa San Juan City sa Maynila tampok ang pagbuhat ng isang delivery rider sa kukupkuping aso na napag-alamang planong iligaw ng dating pet owners.

Sa panayam na Balita, ibinahagi ni Laparan, isang Angkas rider, na naghihintay siya ng booking nang makita niya ang naturang FoodPanda rider na may kargang aso.

“Nakaduty ako niyang time na ‘yan, nakahinto ako sa ilalim ng puno ng kahabahan ng F. Blumentritt, San Juan. Naghihintay po ako ng booking kay Angkas around 2 pm. Nakita ko ‘yang si kuya FoodPanda [rider], naglalakad siya dala-dala ‘yung aso,” kuwento ni Laparan sa Balita.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Dahil natuwa raw siya sa kabutihang ginawa ng naturang rider sa aso, naisip niyang i-post ito sa Facebook group na ‘DOG LOVERS PHILIPPINES’.

Kuwento naman ni Laparan sa kaniyang post, ibinahagi raw sa kaniya ng FoodPanda rider na nakita nito ang isang bata na pinapalakad ang aso sa initan. 

Nang tanungin kung bakit ginagawa iyon, sinagot daw siya ng bata na inutusan lamang ito ng may-ari sa aso na iligaw na lamang. 

“Sabi naman ni kuyang foodpanda, ‘Nako bakit niyo ililigaw ‘yan, may buhay din naman ‘yan. Akin nalang iuuwi ko’,” kuwento ni Laparan.

Pumayag naman daw agad ang bata lalo na at naaawa rin ito sa aso kung tuluyang ililigaw na lamang.

Sinabi rin umano ng FoodPanda rider na gagawa na lang ito ng paraan para mapagaling ang aso na tila may sakit dahil naglalagas ang buhok nito.

“Nakakatuwa lang isipin na hindi nag-alinlangan si kuya na iuwi ‘yung aso kahit na siya ay nasa kalagitnaan ng trabaho niya,” ani Laparan. 

“Napakabusilak ng puso mo kuya. ‘Yung nasa taas na bahala magbalik sa’yo. Bilib ako sa’yo kuya. Kita talaga sa itsura mo na nagwoworry ka sa aso. I hope na maka-recover siya agad,” dagdag niya.

Habang sinusulat ito ay umabot na nga ng mahigit 26,000 reactions, 1,600 comments, at 5,100 shares ang naturang post ni Laparan.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!