1 patay, 9 nawawala sa lumubog na fishing boat sa Davao Oriental

(PCG File Photo)
1 patay, 9 nawawala sa lumubog na fishing boat sa Davao Oriental
Isa ang naiulat na nasawi, siyam ang nawawala at 14 ang nakaligtas sa lumubog na fishing boat sa karagatang bahagi ng Davao Oriental nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG), nagresponde ang kanilang BRP (Barko ng Republika ng Pilipinas) sa insidente ng paglubog ng fishing boat na Genesis 2 lulan ang 24 na tripulante sa karagatan ng Baganga, nitong Hunyo 22, dakong 1:00 ng madaling araw.
Sa pahayag ng kapitan ng fishing boat na si Allan Donaire, dakong 12:00 ng hatinggabi nang biglang lumakas ang alon kaya lumubog ang kalahati ng kanilang sasakyang-pandagat.
Nasawi sa insidente ang isang tripulante at siyam ang pinaghahanap pa ng search and rescue team ng PCG, katulong ang iba pang fishing boat.