BAUAN, Batangas -- Patay sa saksak ang isang 32-anyos na lalaking pipe fitter matapos mamagitan umano sa isang pagtatalo noong Lunes ng gabi, Hunyo 19, sa isang relocation site sa Barangay San Roque, dito.

Nagtamo ng saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang si Vien Amurao at namatay rin ito nang makarating sa Bauan Doctors Hospital, ayon sa police report.

Tumakas ang kinilalang suspek na si Jomar Castro alyas Boknoy, 29, residente ng nasabing lugar, patungo sa bayan ng Mabini dala ang gamit sa pananaksak. Siya ngayon ay tinutugis ng awtoridad.

Sa ulat ng pulisya, bandang 11:45 ng gabi, nag-iinuman si Amurao sa loob ng kaniyang inuupahang apartment kasama ang kaniyang mga kaibigan kabilang ang isang Jose Castor, ama ng suspek.

Internasyonal

Madir ng empleyadong namatay dahil ‘overworked’ kinalampag ang boss, ‘di nagpunta sa funeral

Sa labas ng apartment, nag-iinom din ang suspek kasama ang mga kaibigan nito nang mapansin ni Jose ang kaniyang anak na may hawak na kutsilyo.

Lumapit si Jose sa anak at pinayuhan na itago ang nasabing kutsilyo at doon ay nagkaroon ng pagtatalo.

Namagitan si Amurao at sinubukang pakalmahin at kontrolin ang sitwasyon ngunit bigla na lang umano ito pinagsasaksak ng suspek at saka tumakas.