Sumagot na ang batikang showbiz news insider na si Cristy Fermin sa mga naging pahayag laban sa kaniya ni Lolit Solis na inilabas nito sa Instagram posts, na may dalawang bahagi.

Sa mismong araw na iyon, Hunyo 15, isa-isang sinagot ni Cristy ang mga isyung pinakawalan ng kaniyang "kabsat" sa Instagram post.

Una niyang nilinaw na wala siyang anumang galit kay Manay Lolit, at kung nagkaroon man siya ng tampo noong nakaraang taon sa kanilang dalawa ni Mr. Fu, lumipas na iyon.

Matatandaang nilayasan ni Cristy ang kanilang showbiz-oriented online show na "Take It Per Minute" dahil sa ilang mga isyung internal. Bumukod na lamang si Cristy, at dito na nabuo ang kaniyang "Showbiz Now Na" kasama sina Romel Chika at Morly Alinio (na pinalitan ni Wendell Alvarez).

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Pagdating naman daw sa "pamemersonal" na pagpitik niya kay Paolo Contis na alaga ni Lolit, nilinaw ni Cristy na hindi personal ang atake niya rito; kung anuman ang mga nasasabi niya tungkol sa isyung hindi ito nagbibigay ng sustento at hindi man lamang dumadalaw sa mga anak nito sa mga dating karelasyong sina Lian Paz at LJ Reyes, batay lamang ito sa mga kumakalat na balita at nasasabi ng mga netizen.

Sa pamumuna naman niya sa estilo nito ng hosting sa bagong "Eat Bulaga," ito raw ay hindi personal dahil nakalinya pa rin ito sa kaniyang trabaho bilang host.

Ginawang halimbawa ni Cristy kay Lolit ang ginawa nitong "pag-atake" sa Kapuso star na si Bea Alonzo, na aniya'y mas halimbawa ng pamemersonal.

Sinabihan daw niya ito na "losyang" at "mukhang matanda" kaya hindi sila bagay magtambal ni Pambansang Bae Alden Richards.

Payo ni Cristy kay Lolit, magpokus na lamang ito sa pagpapagaling at huwag na masyado magpaka-stress. Maniwala raw siya sa hindi, isa raw si Cristy sa mga taong nagdadasal para sa kaniyang agarang pagbuti ng kalusugan.

Sa kaniyang Instagram post naman ay tila sumagot na rin si Lolit subalit hindi na niya binanggit ang pangalan ni Cristy.

"Naku Salve, parang talagang nabuhay ako sa gulo ng mundo. Sa gitna ng dialysis, kuliti at maraming discomfort, nasasali pa ako sa mga kung ano-anong issues. Sa edad na 76 akala ko irrelevant na ako at hindi na seseryosohin. Pero kahit ano sabihin ko o ikilos, lagi pa rin binabantayan at hinahanapan ng issue."

"Hay naku, pumasok ako sa showbiz sa edad na 20, duon una lumabas article ko sa Daily Star kay Sir Johnny at si Andrew Go ang publisher. Ngayon 56 years later heto pa rin ako na nasasali sa mga kontrobersiyal na nagaganap sa paligid. Kaloka dahil mas marami pa yatang ganap sa buhay ko kesa sa mga alaga ko, kaya natatawa ako dahil feeling lola Lolit na ako pero meron parin issue. Buti na lang at nasa US ang nag-iisa kong apo na si Kinsey kundi baka naka-irap iyon sa akin dahil sa mga nangyayari."

Muling pinagdiinan ni Lolit na wala siyang "laban" na inaatrasan.

"I never run away from any fight lalo pag alam ko na tama mga alaga ko. I will take a bullet for them anytime dahil lahat sila para ko ng mga anak. Their pain is my pain, kaya no matter what, I will be at their side. Maipagmamalaki ko na mabubuting tao ang mga talents ko, may mga konting pagkakamali pero walang sinasaktan na tao."

"Kung sakali at hindi naging maganda ang personal nilang relasyon, duon sa partner lang nila may responsibilidad, hindi sa ibang tao. Imposibleng hindi sila nasaktan ng masira ang relasyon nila sa partner nila. Imposibleng hindi iniyakan ni Paolo Contis ang paghihiwalay nila ng mga ina ng mga naging anak niya."

"Pero ano ang magagawa niya kung sa paghahanap ng forever ay naging mailap ito sa kaniya. Hindi biro ang pagsasama at pagkakaruon ng anak na hindi tatamaan ang puso mo. Pero siyempre dalawang tao iyon na may mga sariling desisyon. Dapat nga ay dasal na sana makatagpo na ng tunay na mamahalin si Paolo, at magmamahal sa kaniya."

Muli ring binanggit ni Lolit na kahit na anong mangyari ay nasa panig siya ni Paolo at ipagtatanggol niya ito.

"Gusto ko rin makita na tahimik at maligaya ang buhay niya. Maging mapang-unawa tayo, huwag natin isisi sa isang tao pagkakamali ng dalawa. Kaya kahit ano sabihin, I will stand by Paolo Contis side, dahil alam ko, his heart is kind and loving. Give him a chance. Let him be happy. Huwag na natin gawin kumplikado pa ang buhay niya. Bongga," aniya.

MAKI-BALITA: ‘Sana constructive!’ Lolit sinita si Cristy, bakit laging ‘pinipitik’ alagang si Paolo

MAKI-BALITA: ‘Giyera na ‘to!’ Lolit wawarlahin mga intrigera, inggiterang kumakanti kay Paolo