Patay ang isang babae habang dalawang lalaki ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa Isla Puting Bato, Tondo, Maynila nitong Sabado, Hunyo 17. 

Kinilala ng Manila Police District Delpan Station ang namatay na biktima na si Marian Escanilla, 39, residente ng Barangay 275, Binondo, Maynila.

Habang ang mga sugatan naman ay sina Ariel Layam, 43, at Jojo Aberte, 46, parehong residente ng Isla Puting Bato, Barangay 20, Tondo.

Ayon sa ulat ng Delpan Police Station, nakita umano ng mga saksi si Escanilla na kausap ang isang lalaking nakasuot ng hoodie black jacket at maong pants dakong 9:45 ng umaga sa Barangay 20, Isla Puting Bato, Tondo. 

National

ITCZ, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

Sinabi ng mga saksi na bigla silang nakarinig ng tatlong magkasunod na putok ng baril at pagkatapos ay natagpuang patay ang biktima sa isang eskinita.

Tinamaan umano ng ligaw na bala ang dalawa pang biktima at kasalukuyang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Center.

Ayon sa mga otoridad, hindi pa rin nahuhuli ang suspek at patuloy pa rin nilang iniimbestigahan ang insidente.

Richielyn Canlas