Marcos sa pagpapatayo ng 'silo' para sa buffer stock ng bigas: 'Pag-aralan muna'
Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Agriculture (DA) na pag-aralan ang panukalang pagpapatayo ng "silo" o mga imbakan ng bigas upang matiyak na sapat ang buffer stock ng bansa.
Sa pagpupulong na dinaluhan ng mga miyembro ng Private Sector Advisory Council sa Malacañang nitong Huwebes, tinalakay ng Pangulo ang kahalagahan ng pag-aaral sa paggamit ng mga rice station at modules upang matiyak na hindi magkakaroon ng krisis sa bigas sa Pilipinas.
Ang hakbang ay alinsunod sa Food Security Infrastructure Modernization Plan ng DA. Sa ilalim ng proyekto, isang mother station ang itatayo para sa bawat 10 istasyon na may 30-kilometrong radius mula sa pangunahing istasyon nito.
Kabilang sa inatasan ng Pangulo na himayin ang panukala ay sina DA Undersecretary Drusila Bayate at National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco.
“We should really look into it because it’s a successful program,” anang Pangulo at sinabing mas kumbinsido ang ibang bansa sa paggamit ng rice station at modules upang hindi maubusan ng imbak na bigas, mais at iba pang agricultural products.