Tila pumalag ang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis sa kapwa showbiz news authority at dating kasamahan sa show na si Cristy Fermin, dahil lagi raw nitong "pinipitik" ang alaga niyang si Kapuso actor at "Eat Bulaga!" host Paolo Contis.

Sa pamamagitan ng kaniyang mahabang Instagram post (na may part 2 pa) ay inilahad ni Lolit ang kaniyang sentimyento kay Cristy.

Anang Lolit, "Ako ang klase ng manager na hindi nagagalit pag pinipitik ng mga writers ang mga alaga ko, Salve. Actually nga natutuwa ako dahil kung minsan nagiging constructive pa ito para sa mga alaga ko. Si Paolo Contis ipinagmamalaki ko na magalang at mabait na tao. At isa sa iginagalang at mahal niya si Cristy Fermin."

"Nagtataka ako bakit lately parang halos araw-araw pinipitik ni Cristy si Paolo? May nagawa kayang mali si Paolo? Nasaktan ba niya si Cristy? O baka naging punching bag lang siya dahil may ibang gustong patamaan si Cristy, o baka naman may naninira kay Paolo kaya naging ganuon ang image nito kay Cristy."

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Dahil dito, may apela si Lolit sa dating co-host niya sa show nila ni Mr. Fu. Sana raw ay maging constructive lamang ang paninita ni Cristy kay Paolo, at tila huwag sana siyang idamay kung sa kaniya may galit ito.

"Sana naman nga constructive lang ang pitik ni Cristy kay Paolo. Sayang naman iyon paggalang at pagmamahal kung mawawala di ba dahil lang sa isang bagay na hindi importante. Sad ako dahil feeling ko baka sa akin galit si Cristy at nadamay lang si Paolo."

"Sana hindi, dahil alam ko na kung may galit si Cristy sa akin sasabihin niya at hindi niya itatago iyon. Isang fair at marespetong tao si Cristy, at bilang writer ay very fair at factual. Hindi sisirain ni Cristy ang pagkatao niya dahil lang sa personal na galit. At hindi si Cristy ang klase ng tao na magsasalita ng maaring ikasira ng isang artista na tulad ni Paolo Contis."

"Sad lang ako na dahil lang dito maapektuhan ang trabaho ni Paolo na isa pa naman mahusay at professional na artista. Dahil nga sa paggalang ni Paolo kay Cristy kaya tiyak ko affected ito kung naririnig niya ang mga pitik ni Cristy. At sa panahon ito na kadalasan pinaniniwalaan mo ang anuman marinig at mabasa mo nakakatakot na baka maniwala nga na baka tutoo ang galit/ pitik ni Cristy kay Paolo."

"Ngayon lang bumabawi ang career ni Paolo ng masasabi natin talagang makikita mo na ng buo ang lahat ng pinaghirapan niya. Siguro nga oras na para maayos lahat pati private life niya. Kung anuman naging pagkakamali niya sana naman mabigyan kapatawaran para maging patag na ang journey niya sa buhay."

Sa part 2 ng kaniyang IG post, sinabi ni Lolit na nakahanda raw siya sa "giyera."

"Sana maging isa sa gabay niya si Cristy dahil nga ngayon niya mas kailangan ang mga mabuting tao sa paligid niya. Hindi ako maniniwala na gusto ni Cristy masira ang career ni Paolo dahil sa mga pitik ni Cristy. Tiyak ko na hindi gugustuhin ito ni Cristy mismo. Siguro naman kung sa akin may galit si Cristy puwede naman ako ang sabihan niya, at hindi si Paolo."

"At kung tutoo na ang mga intrigera, inggitera mga fat ladies na plastic ang gumagawa ng intriga sana naman hindi dahil ngayon pa lang I say, when you want WAR, I am ready, anytime, anywhere, hindi kailangan isali ang sino man sa alaga ko. Ako ang gusto nyo ibagsak, I am ready, you are welcome anytime."

"Please spare iyon walang kasalanan. I am sure Cristy is fair, kaya tatanggapin ko na constructive ang mga pitik niya kay Paolo Contis. And as long as Paolo Contis feel he is not guilty of anything, take it as a sign of a mother castigating her son for a naughty thing he has done."

"Fight a worthy battle, don 't waste your time with things not worth your time. Basta I will always be at your side Paolo, anuman laban mo dahil I know you are a good person, Fighting," ayon pa sa IG post ni Lolit.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Cristy tungkol dito.