Napag-usapan nina Ogie Diaz at Mama Loi sa kanilang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" ang posibilidad na mapanood ang noontime show na "It's Showtime" ng ABS-CBN sa sister station ng GMA Network, ang GTV.

Marami kasi ang nagtatanong na ngayong nasa TV5 na ang TVJ kung saan kasa-kasama rin nila ang mga nagbitiw na original Dabarkads hosts ng "Eat Bulaga!," ano na raw ba ang mangyayari sa Showtime na kamakailan ay kababalik lamang sa noontime slot matapos matsugi ng "Tropang LOL."

May mga espekulasyong kagaya ng naging set-up sa Tropang LOL at It's Showtime ay maging back-to-back sila, subalit ang ilalagay raw sa 12:00 ng tanghali ay Eat Bulaga! ng TVJ, at makakatapat pa rin ng Showtime na eere naman sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z Channel 11.

Dagdag pa sa espekulasyon, eere pa rin daw ang Showtime sa TV5 subalit delayed telecast na lamang at baka ilalagay sa panghapong slot.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabanggit naman ni Ogie ang posibilidad na mapanood sa GTV ang Showtime. Matatandaang may collaboration na ang ABS-CBN at GMA na dating mahigpit na magkaribal, sa pamamagitan ng teleseryeng "Unbreak My Heart." Ilang shows na rin ng GMA ang mapapanood sa iWantTFC.

Nabanggit naman ni Mama Loi ang sapantaha ng mga netizen na nagpahiwatig si Vice Ganda hinggil dito, nang kantahin ang theme song ng Kapuso Network sa programa nila.

Pero may nakausap din si Ogie na wala raw katotohanan ito.

"Oh sige, hintayin na lang natin kung ano ang magiging kapalaran, na mapupunta ang It's Showtime (sa GTV) at kung aalis sila sa TV5," giit ni Ogie.

Samantala, tikom pa ang bibig ng mga kampong nabanggit sa tsikang ito.