May kabuuang P33,640,219.14 na halaga ng tulong mula sa pambansang pamahalaan, pribadong organisasyon, at non-government organizations ang naihatid sa mga evacuees sa Albay sa gitna ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules, Hunyo 14.

Mula rito, may kabuuang P9.2 milyon na halaga ng tulong ang nagmula sa OCD, at ang pinakahuling batch ng relief items na kanilang dinala sa Albay ay kinabibilangan ng mga tarpaulin roll, N95 face masks, family food packs, hygiene kits, pelican cases, at isang portable water filtration unit.

“We will continue to provide necessary support from the national government to the affected local government units. Our coordination with OCD regional offices is continuous as we closely monitor the situation,”  ani OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Ang bulto ng tulong ay binubuo ng family food packs para sa mga lumikas na residente na nagkakahalaga ng P18.6 milyon. Sinundan ito ng hygiene kits na nagkakahalaga ng P6.03 milyon, at sleeping kits na nagkakahalaga ng P4.66 milyon.

National

Rastaman, kasama sa ‘nuisance candidates’ para sa 2025 midterm elections

Magbibigay din ang OCD ng 3,200 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P4 milyon para sa mga apektadong komunidad, ayon kay Nepomuceno, upang matiyak na magkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain ang mga evacuees.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mayroong kabuuang 9,571 pamilya o 37,231 indibidwal mula sa Bacacay, Camalig, Ligao, Daraga, Guinobatan, Malilipot, Sto. Domingo, at Tabaco na naapektuhan ng patuloy na pag-aalburto ng Bulkang Mayon.

Sa kabuuan, 4,417 pamilya o 15,502 indibidwal ang inilikas sa kanilang mga tahanan at nanatili sa 22 evacuation centers.

“We have reminded our counterparts and the LGUs [local government units] to implement precautionary measures aggressively to ensure the safety of the residents. We also ask the residents to always follow authorities’ warnings and advisories,” sabi ni Nepomuceno.

Martin Sadongdong