May makabagbag-damdaming payo si Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda para kay Kapamilya star Andrea Brillantes, matapos itong mag-guest sa "It's Showtime" para sa promotion ng kaniyang seryeng "Drag You and Me" sa iWantTFC.

Bukod sa kaniyang performance, isa rin si Andrea sa mga naging tagahawak at tagabukas ng kahon sa patok na segment ng noontime show na "Rampanalo."

Sa una pa lang ay hindi na nakaligtas si Blythe sa mga sundot na hirit ni Vice Ganda lalo't mainit na mainit pa ang isyu ng hiwalayan nila ni Ricci Rivero, at nataon pang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kahapon ng Lunes, Hunyo 12.

Sa isang hirit, natanong ni Vice si Andrea kung bet pa niyang magpasa ng bola.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Ayoko na po!" hirit ni Andrea.

Alam naman ng lahat na may kinalaman ang "bola" kay Andrea dahil basketball player si Ricci.

Sumunod, sa mismong laro na, hindi napigilan ni Vice na ungkatin si Andrea kung sa palagay ba niya ay may suwerte siyang hatid sa contestant.

"Meron siyempre!" nakangiting sabi ni Andrea.

"Hangga't kaya mo pang ngumiti ibig sabihin sinusuwerte ka pa," ani Vice.

"Suwerte ako, hangga't kaya ko pang magmahal, lalo na kaya kong mahalin ang sarili ko, suwerte ako," sagot ng Kapamilya star.

Dahil diyan ay nag-group hug ang It's Showtime hosts para kay Andrea.

"Nandito lang kami ha, kung kailangan mo kami, kahit hindi ka guest, pumunta ka lang dito. Pagpeperformin ka namin," hirit ni Vice.

Nang magdesisyon naman ang contestant na ipalit si Andrea sa dulo, hugot ni Andrea "Pati ba naman dito pinagpalit ako?"

Sundot ni Vice, "Andrea, anoman ang nangyari at anoman ang mangyayari, huwag mong iisipin na ipinagpalit ka. Hindi ka puwedeng ipagpalit dahil nag-iisa ka lang. Wala kang kapalit dahil wala kang kapantay. Brilyante... ikaw ay brilyante. Lagi mong tatandaan, ikaw ay brilyante at patuloy kang kikinang... habambuhay."

Punumpuno ng kasiyahan ang segment dahil bukod sa malaki-laking premyong nakuha ng contestant, benta rin sa madlang pipol ang mga "hugot" ni Vice at Andrea pagdating sa pagmamahal.

MAKI-BALITA: Andrea napahugot sa contestant ng Rampanalo: ‘Buti pa siya ipinaglaban ako!’