Hanggang ngayon ay mainit na pinag-uusapan sa social media ang nasabi nina "It's Showtime" hosts Vice Ganda at Anne Curtis tungkol sa patok na kanta ngayon ng Pinoy Pop all-male supergroup na "SB19," ang "Gento, dahil hindi na umano ito basta-basta puwedeng patugtugin dahil may "bayad" na ito.

Nangyari ito sa segment na "Isip Bata" ng noontime show noong Hunyo 10, 2023 kung saan hinamon ng isang kalahok ang host-dancer na si Jhong Hilario na sumayaw ng "Gento" na isa sa mga sikat na dance song na sinasabayan ngayon sa TikTok.

Payag naman si Jhong subalit biglang may sumigaw mula sa staff na "Bawal."

Halatang gulat naman dito sina Vice at Anne dahil hindi naman unang pagkakataong gagamitin ang Gento sa Showtime; sa katunayan, may TikTok video pa nga si Vice na kasa-kasama niya ang SB19 sa paghataw nito.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

"Bawal, naniningil na sila, naniningil na. Yung 'Rampa' libre, ayaw niyong itry?" pabirong hirit ni Vice na tumutukoy sa kaniyang kanta.

Napakomento naman dito si Anne na tila gulat na gulat ding may ganoon pala.

"Talaga? Hindi ba good promo 'yon for the music industry? May ganon na pala, sayang."

Tila hindi naman ito nagustuhan ng ilang SB19 fans kaya na-call out nila sina Vice at Anne. Naging trending pa ang "Respect Local Artists."

Larawan mula sa Twitter

Anila, karapatan ng SB19 maningil ng "music royalties" o songwriters, recording artists, publishers, music labels, at producers na gagamit sa kanilang na-compose o pinasikat na awitin, sa isang show na nagnanais na gumamit nito.

Ngunit depensa naman ng ilan, walang pambabastos sa mga sinabi nina Vice at Anne dahil maaaring nagulat lamang sila, dahil hindi naman na bago ang paggamit ng kanta sa isang show na gaya ng Showtime. Dati pa nga raw ay mas natutuwa pa ang local artists kapag ginagamit sa TV shows ang kanilang mga awitin dahil free promotion na rin ito.

Samantala, wala pang tugon o pahayag sina Vice at Anne tungkol dito, bagama't may mga sundot na biro ang Unkabogable Phenomenal Star patungkol sa "bayad," sa segment din ng Isip Bata.

Wala pa ring pahayag ang SB19 kung ano ang naramdaman o reaksiyon nila tungkol dito.