Guest sa "It's Showtime" ang Kapamilya star na si Andrea Brillantes upang mag-promote ng kaniyang seryeng "Drag You and Me" sa iWantTFC.

Bukod sa kaniyang performance, isa rin si Andrea sa mga naging tagahawak at tagabukas ng kahon sa patok na segment ng noontime show na "Rampanalo."

Sa una pa lang ay hindi na nakaligtas si Blythe sa mga sundot na hirit ni Vice Ganda lalo't mainit na mainit pa ang isyu ng hiwalayan nila ni Ricci Rivero, at nataon pang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kahapon ng Lunes, Hunyo 12.

MAKI-BALITA: Ricci at Andrea, hiwalay na? Ricci, may pasabog na tweet

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Sa isang hirit, natanong ni Vice si Andrea kung bet pa niyang magpasa ng bola.

"Ayoko na po!" hirit ni Andrea.

Alam naman ng lahat na may kinalaman ang "bola" kay Andrea dahil basketball player si Ricci.

Sumunod, sa mismong laro na, hindi napigilan ni Vice na ungkatin si Andrea kung sa palagay ba niya ay may suwerte siyang hatid sa contestant.

"Meron siyempre!" nakangiting sabi ni Andrea.

"Hangga't kaya mo pang ngumiti ibig sabihin sinusuwerte ka pa," ani Vice.

"Suwerte ako, hangga't kaya ko pang magmahal, lalo na kaya kong mahalin ang sarili ko, suwerte ako," sagot ng Kapamilya star.

Dahil diyan ay nag-group hug ang It's Showtime hosts para kay Andrea.

"Nandito lang kami ha, kung kailangan mo kami, kahit hindi ka guest, pumunta ka lang dito. Pagpeperformin ka namin," hirit ni Vice.

Nang magdesisyon naman ang contestant na ipalit si Andrea sa dulo, hugot ni Andrea "Pati ba naman dito pinagpalit ako?"

Sundot ni Vice, "Andrea, anoman ang nangyari at anoman ang mangyayari, huwag mong iisipin na ipinagpalit ka. Hindi ka puwedeng ipagpalit dahil nag-iisa ka lang. Wala kang kapalit dahil wala kang kapantay. Brilyante... ikaw ay brilyante. Lagi mong tatandaan, ikaw ay brilyante at patuloy kang kikinang... habambuhay."

At sa bandang dulo naman kung saan bubuksan na ang kahon ni Andrea, hindi nagtapos ang segment na wala pa ring "hugutan."

"Tama kaya ang desisyon mo, oh sasabihin sa 'yo ni Andrea, 'Ate, ito nga pala yung sinayang mo...'" hirit ni Vice na ikinatawa ni Andrea, ng hosts, at madlang pipol.

Bago buksan ni Andrea ang kahon, may sinambit siyang mga salita na hindi pinayagan ni Vice na hindi marinig ng madlang pipol.

"Wala... buti pa siya, pinaglaban ako!"

Humirit naman ang contestant, "Sana ipanalo rin niya 'ko!"

Ang ending, tama ang desisyon ng contestant na idulo si Andrea dahil +15,000 ang laman ng kahon na hawak niya, kaya nag-uwi ang contestant ng ₱40,600.

Mensahe ng contestant kay Andrea, "Thank you, Andrea... tama na pinili kita sa huli!"

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang pahayag si Andrea patungkol sa kaniyang panig hinggil sa naging break-up nila ni Ricci.

Pero ang nali-link sa ex na si beauty queen at Los Baños, Laguna Councilor Leren Mae Bautista ay naglabas ng opisyal na pahayag nitong Lunes, Hunyo 12.

MAKI-BALITA: Leren Mae Bautista, nagsalita na hinggil sa umano’y ‘romantic involvement’ kay Ricci Rivero

Binigyang-diin niya na walang batayan at pawang kasinungalingan lamang ang kumakalat online na romantic involvement niya kay Ricci.