Sa kauna-unahang pagkakataon, isang LGBTQIA+ couple ang nagpakasal sa pamamagitan ng "same-sex union" sa Lipa City, Batangas.

Labis-labis ang kasiyahan ng transwoman na si Geraldine Mendoza, 38 anyos, nang ikasal sa kaniyang heterosexual boyfriend na si Joevert Berin, 26 anyos.

Ito raw ang kauna-unahang same sex union sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Balita kay Geraldine, nagkakilala raw sila ni Joevert sa pamamagitan ng social media. Inistalk raw siya ni Joevert at pinadalhan ng private message, at doon na nagsimula ang kanilang pag-uusap.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Salaysay naman ni Joevert, gandang-ganda raw siya kay Geraldine nang makita ito sa social media at tila “love at first sight” ang naramdaman niya.

Hindi naman ikinaila ni Geraldine na isa siyang transwoman kaya hindi niya inaasahang hindi raw nagbago ang pakikitungo ni Joevert sa kaniya.

“Okay lang kahit hindi ka tunay na babae basta makilala lang kita," sabi raw ng mister sa kaniya noon.

At nang magkita na raw sila, kaagad na napana ni Kupido ang puso ni Joevert at tila nakaramdam ng "pag-ibig sa unang pagkikita."

“Mga ex ko dating babae, hindi ako sineryoso kaya parang wala akong ano sa buhay, pagmamahal, walang nagmamahal sa akin. Kaya naghanap ako ng tao na karapat-dapat sa akin, na mamahalin ako,” ani Joevert sa panayam.

Hindi rin inasahan ni Geraldine na may isang taong mag-aalok ng kasal sa kaniya, sa pamamagitan ng same-sex union. Hindi pa kasi legal ang same-sex marriage sa bansa.

“Hindi ko in-expect talaga. Blessing ‘yon for me kasi matagal ko nang hinihiling na magkaroon ng real na relationship,” ani Geraldine.

Kaya naman, may mensahe si Geraldine sa mga kapwa niya miyembro ng LGBTQIA+ community.

“Hindi lahat ng tao tatanggapin tayo alam n’yo na ‘yan. Kasi hindi nila naiintindihan ang nararamdaman natin. Madali nila i-judge ang mga nasa komunidad natin kasi di nila alam yung sakit na kelangan natin i-endure.”

“But one thing is for sure, basta tanggap natin kung sino tayo at mahal natin ang Panginoon, those are enough para magkaroon tayo ng kalayaan para maging tayo.”

Makikita sa Facebook posts ni Geraldine ang mga litrato at video ang seremonya at reception ng kanilang holy union.

Tuwing Hunyo ipinagdiriwang ang "Pride Month" para sa LGBTQIA+ community at allies nito.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!