Inaresto ng pulisya ang isang lalaki dahil sa paglabag sa Anti-Fencing Law matapos umano nitong tangkaing magbenta ng nakaw na motorsiklo online sa Quezon City, Biyernes..
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station (PS 4) ang suspek na si Fahad Macalandap, 25, ng Bagong Silang, Caloocan City.
Sinabi ng QCPD na nadiskubre ng biktimang si Jose Mirando na ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa loob ng kanilang garahe sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City, ay nawawala dakong alas-6 ng umaga noong Mayo 28.
Pagkatapos ay nakita ng biktima ang motorsiklo na naka-post para ibenta sa Facebook MarketPlace alas-4:00 ng hapon, Hunyo 8.
Agad namang nagsumbong si Mirando sa mga operatiba ng PS 4.
Sinabi ng QCPD na umaktong buyer ang biktima at naging matagumpay ang transaksyon sa suspek.
Napagkasunduan ng dalawa na magkita sa isang gasoline station sa Susano Road sa Barangay San Agustine, Novaliches, Quezon City bandang alas-10 ng gabi, sa nasabing araw.
Inaresto ng mga operatiba ng PS 4 ang suspek matapos na positibong kinilala ng biktima ang kanyang motorsiklo.
Narekober sa suspek ang motorsiklo ng biktima na walang plate number.
Mahaharap si Macalandap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o ang Anti-Fencing Law.