Ngayong kumpirmado at opisyal nang lilipat sa Media Quest Holdings, Inc. ang TVJ at iba pang Dabarkads hosts na sumunod sa kanila, naglutangan na ngayon ang iba't ibang katanungan sa mga susunod na mangyayari.

Mismong Media Quest Holdings, Inc. ng TV5 ang nagpalabas ng opisyal na pahayag na sila ang nagwagi sa desisyon nina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon kung saang TV network ang kanilang magiging tahanan, lalo't bukod sa TV5, may ilan pa raw estasyon ang nanliligaw sa kanila.

At ngayon ngang sigurado na sa TV5 ang TVJ, tanong ng marami, paano na ang dati nitong katapat at mukhang magiging ka-back-to-back nitong noontime show na "It's Showtime" na umeere rin sa TV5, at muling bumalik sa 12:00 noon sa naturang TV network, matapos masipa ang "Tropang LOL?"

MAKI-BALITA: Eat Bulaga lilipat daw sa TV5, makakaback-to-back ng It’s Showtime?

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

May kumakalat na tsikang ilalagay sa mismong noontime ang TVJ at delayed telecast na lang ang Showtime; pero sa mother network nitong Kapamilya Channel/Kapamilya Online Live at A2Z, makakatapat nito ang bagong show ng TVJ at 12:00 ng tanghali sila mapapanood.

At dahil nga sa partnership ng ABS-CBN at TV5, posible rin kayang mapanood ang bagong show ng TVJ sa Kapamilya platforms gaya ng ginawa sa Tropang LOL?

Eat Bulaga rin ba ang pangalan ng show, Dabarkads, o TVJ?

Lahat ba ng sumunod sa kanilang dating Eat Bulaga hosts ay makakasama pa nila? May madaragdag ba?

Lahat ng iyan ay mananatiling tanong at ang sagot ay sa pagdaan ng mga araw. Pero ang masasabi natin, grabe ang bilis ng turn of events at "plot twist" sa noontime!

Ang dating mahigpit na karibal, ngayon ay posibleng maka-tandem, at mapanood sa katapat na network.

Sabi nga ng mga netizen, wala talagang permanente sa mundo kundi pagbabago. Ang inakala nilang "TVJ Forever" sa GMA Network, heto't wala na roon at may bagong tahanan na sa isang iglap.