Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakapagtala sila ng 9,107 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa mula Mayo 29 hanggang Hunyo 4, 2023.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa inilabas na national Covid-19 case bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 1,301.

Ito anila ay mas mababa ng 22% kumpara sa mga kasong naitala noong Mayo 22 - 28, 2023.

Ayon sa DOH, sa mga bagong kaso, 77 pasyente ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 10 pasyente na sinawimpalad na bawian ng ng buhay. Kabilang dito ang tatlong namatay noong Mayo 22 hanggang Hunyo 4.

Dagdag pa ng DOH, hanggang noong Hunyo 4, 2023, mayroong 559 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa Covid-19.

Iniulat rin naman ng DOH na sa 2,099 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, nasa 397 o 18.9% ang okupado habang 4,101 naman o 23.0% ng 17,848 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, muli ring pinaalalahanan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa.