Nakarating na sa kaalaman ni Toni Fowler ang mga pahayag laban sa kaniya ng kapatid sa father side na si Lester Fowler, matapos ang pagbibigay nito ng reaksiyon tungkol sa pagiging "mandatory" na tulungan ng isang nakaaangat sa buhay ang mga kaanak na noon ay hindi man lamang nangumusta o tumulong din sa kaniya.

Sey naman ni Lester, kung tutuusin daw ay wala na siyang pakialam sa mga sinabi ng kapatid sa ama, subalit nadamay raw kasi ang iba pang kaanak nila na may apelyidong Fowler.

Pumalag daw ang ilan nilang kaanak dahil sa mga sinabi ni Toni. 28 daw kasi silang magkakapatid at may ilan sa kanila na talagang naghihirap.

Isang kapatid daw nila ang nagbenta ng sabon kay Toni noon subalit sa halip na suportahan ay pinagsabihan pa raw ni Toni na paano niya ito magagawa gayong malayo siya sa kanila.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

"Wala naman siyang tinulungan sa aming magkakapatid, pero wala namang pilitan, it's okay!" saad ni Lester.

"Kung mahal mo sarili mo, okay lang, eh di mahalin mo sarili mo."

Marami rin umano sa mga iba pang Fowler ang pumapalag na rin dahil sa paglalabas niya ng sensitibong content sa YouTube channel.

"Fowler kami. Marami kaming magkakapatid, may mga anak kami, may mga konserbatibo, na yung mga pinalalabas mo mga malalaswa, so hindi lahat ng kadugo mo ay natutuwa sa aksyon mo dahil dala mo yung apelyido namin, Fowler, 'di ba? Hindi lang naman ikaw ang Fowler. Wala ka ring karapatang babuyin 'yan kasi hindi lang din sa'yo 'yan..."

"Maraming Fowler ang iningatan din ang kanilang apelyido, ngayon nagiging basher mo, siyempre sinasabihan ka, dahil hindi tayo malayang-malayang gawin ang mga bagay na makakasira sa pangalan..."

Pero nang gawin daw ni Toni ang kaniyang music videos ay tahimik lamang sila, bilang suporta na rin sa kaniya, para "umasenso" siya.

Kaya nagtataka raw si Lester kung bakit may pera na si Toni, saka naman ito umalagwa sa "paghuhubad" gayong noon, nauunawaan daw niya ito kung bakit medyo daring ang mga ginagawa nitong content dahil nga sa hirap ng buhay.

MAKI-BALITA: Lester Fowler, binuweltahan kapatid sa amang si Toni Fowler sa isyu ng ‘toxic family’

Bagay na pinalagan naman ni Toni sa pamamagitan ng Facebook Live dahil noon pa raw "papansin" ang mga kapatid niya sa ama at kung ano-ano ang sinasabi sa kaniya, subalit ngayon lamang daw siya papatol at magsasalita tungkol dito. Madalas daw talagang mag-react ang mga kapatid sa father side sa tuwing may ginagawa siya.

Matagal na raw na ganoon si Lester ngunit hindi lamang niya pinapansin, lalo na kung humihingi ito ng pabor na i-share niya ang ginawa niyang content.

Ang punto ni Toni, 'wag siyang pakialaman ng mga kapatid niya kung ano ang nais niyang gawin at ibahagi sa social media dahil buhay niya iyon.

Hindi niya raw papalitan ang kaniyang apelyido dahil hindi naman daw niya kasalanang maging Fowler siya.