Magkakaroon na ng mas malawak na partisipasyon ang pribadong sektor ng bansa sa mga malalaking proyekto ng pamahalaan matapos maglabas ng executive order (EO) si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nag-aamyenda sa komposisyon ng Public-Private Partnership Governing Board (PPPGB).

Batay sa EO No. 30, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hunyo 1, binanggit ni Marcos ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago dahil sa muling pagsasaayos ng National Competitive Council (NCC), isa sa mga miyembro ng PPPGB.

Inayos muli ng Ease of Doing Business Act ang NCC bilang Ease of Doing Business and Anti-Red Tape Advisory Council, na ginagawang "inexistent” ang posisyon ng Private Sector co-chairperson ng NCC.

Nakasaad sa EO na ang PPPGB ay magiging responsable para sa pagtatakda ng estratehikong direksyon ng PPP Program bilang policy-making body para sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa PPP, kabilang na ang Project Development and Monitoring Fund (PDMF).

National

Taga-Maynila, winner ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Inaatasan din umano ang Lupon na lumikha ng enabling policy at institutional environment para sa PPP.

Ang Socio-Economic Planning Secretary umano ang mamumuno sa PPPGB, habang ang Secretary of Finance naman ang magiging vice-chairperson.

Ang iba pang miyembro ng PPPGB ay:

  • Finance Secretary
  • Budget Secretary
  • Justice Secretary
  • Trade Secretary
  • Executive Secretary

Nakalagay rin sa EO na ang isang kinatawan mula sa pribadong sektor, na nagmumula sa “reputable organization” sa “banking, business, or infrastructure sector” ay itatalaga sa lupon ng Pangulo.

"The private sector representative shall promptly notify the PPPGB of any actual, perceived, or potential conflict of interest which could affect the performance of his/her duties as a member of the Governing Board," ayon sa EO.

Sinabi rin nito na ang Tagapangulo at tatlong iba pang miyembro ng Lupon ay bubuo ng isang quorum, at ang mayoryang boto ng mga miyembrong naroroon ay kinakailangan upang magpatibay ng anumang issuance, kautusan, resolusyon, desisyon, o iba pang mga aksyon ng Lupon sa pagsasagawa ng mga tungkulin nito.

Samantala, ang PPP Center ang magsisilbing Secretariat ng PPPGB.

Argyll Cyrus Geducos