Hindi na umano nagagalit ang tinaguriang "Pambansang Bae" at isa sa Kapuso stars na si Alden Richards sa mga netizen na patuloy na kumukuwestyon sa kaniyang tunay na sexual orientation, lalo't sa edad niya ngayong 31 ay wala pa siyang napapabalitang nobya.

Sa panayam ni Ogie Diaz, sinabi ni Alden na tahimik lang siya sa isyu dahil wala siyang dapat ipaliwanag sa lahat, pagdating sa usaping pangkasarian. Pakiramdam daw niya, wala naman siyang dapat ipaliwanag tungkol dito.

"Hindi ko po siya ina-address kasi feeling ko wala naman po akong kailangan patunayan sa part na ‘yon. Mas okay na okay lang, tuloy lang nila. Sanay naman na po ako diyan. Pero ako, to myself, alam ko kung saan ako papunta… Mag-12 years na po, hindi namatay ‘yan eh,” aniya.

Dagdag pa ng aktor, hindi naman siya manggagamit para lang pagtakpan ang isyu.

National

Painting ni Amorsolo sa private museum sa NegOcc, ninakaw!

“Nasanay na lang din po ako kasi siguro it’s really how I see myself. Kilala ko po ang sarili ko, kilala po ako ng mga tao sa paligid ko, matagal ko na silang kasama. Ayoko naman po na para tumahimik ‘yung issue na ‘yun, is gagamit ako ng ibang tao para lang matapalan ‘yung issue kasi kawawa naman ‘yung tao. Hindi po kasi ako gan’un,” paliwanag niya.

Nakikita raw ni Alden ang sarili niya na mag-aasawa siya sa gulang na 35. Nasa plano raw niya ang magkaroon ng sariling pamilya.

“Nasa plano ko po ang magkapamilya. Yung mga babies po, gustong-gusto ko magkaroon talaga, sobra.”