Nakataas pa rin sa Signal No. 1 at 2 ang ilang bahagi ng Luzon dahil sa Typhoon Betty na kumikilos na patungo sa kanluran hilagang-kanluran ng karagatan ng silangan ng Batanes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng umaga, Mayo 30.

Sa tala ng PAGASA nitong 11:00 ng umaga, namataan ang mata ng Typhoon Betty 315 kilometro ang layo sa silangan ng Basco, Batanes, na may maximum sustained winds na 150 kilometer per hour at pagbugsong 185 kilometer per hour.

Kumikilos ito hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometer per hour.

Nakataas sa Signal No. 2 ang mga sumusunod na lugar:

  1. Batanes 
  2. Hilagang-silangang bahagi ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga) kabilang na ang Babuyan Islands

“Minor to moderate impacts caused by gale-force winds are likely within the areas where Wind Signal No. 2 is hoisted,” anang PAGASA.

Samantala, naitala naman ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar: 

  1. Mga natitirang bahagi ng mainland Cagayan
  2. Hilaga at silangang bahagi ng Isabela (Santo Tomas, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Maconacon, Naguilian, Mallig)
  3. Silangang bahagi ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Marcos, Pagudpud, Banna, Adams, Carasi, Dingras, Solsona, Dumalneg, Nueva Era)
  4. Apayao
  5. Hilagang bahagi ng Kalinga (City of Tabuk, Balbalan, Pinukpuk, Rizal)
  6. Hilagang-silangang bahagi ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)

“Minimal to minor impacts from strong winds (i.e., strong breeze to near gale strength) are possible within any of the areas where Wind Signal No.1 is currently in effect,” saad ng PAGASA.

Ayon sa PAGASA, posibleng patuloy na hihina sa susunod na limang araw ang bagyo dahil sa mas malamig na tubig sa karagatan, pagpasok ng tuyong hangin, at pagtaas ng vertical wind shear.

“BETTY may be downgraded into a severe tropical storm on late Thursday or early Friday and into a tropical storm on late Friday or early Saturday. However, given the extent of the effect of dry air intrusion on the typhoon, a faster weakening rate within the forecast period is not ruled out,” anang PAGASA.

Maaari umanong lumabas ang Typhoon Betty sa Philippine area of responsibility sa Biyernes, Hunyo 2.