Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpasok sa bansa ng isang super typhoon sa Biyernes, Mayo 26.
Sa social media post ng DSWD, nasa 1,500 food packs ang nai-deliver na sa mga bodega sa Anda, at 1,000 naman sa Bautista sa Pangasinan.
Nasa 2,000 food packs naman ang naideliber sa mga warehouse ng ahensya sa San Fernando City, La Union habang ang iba ay naka-standby lamang sa mga satellite center nito.
"Ang mga family food packs (FFPs) po ay hindi direktang o basta-bastang binibigay o iniaabot sa mga affected. Ang unang gagamitin ng ating mga local government unit (LGU) ay ang kanilang Quick Response Fund," paliwanag ni DSWD information officer Anne Hazel Fajardo-Flores nitong Huwebes.
Paglilinaw ni Flores, maaaring humiling sa DSWD ang mga LGU para sa madagdagan ang kanilang calamity funds upang matugunan ang pangangailangan ng mga maaapektuhan ng bagyo.
Bukod sa mga food pack, nakahanda na rin ang halos 30,000 non-food items at 5,007 bottled drinking water.
Nakahanda na rin ang 689,885 family food packs na ipapamahagi sa buong bansa.
Sinimulan na ng ahensya ang pagde-deliver ng halos 100,000 FFPs sa Regions I (Ilocos Region), II (Cagayan Valley), III (Central Luzon), Cordillera Administrative Region (CAR), at sa Visayas Region.
Philippine News Agency