Inamin ng Kapuso comedienne na si Pokwang na nasasaktan at naaapektuhan siya sa masasakit na ipinupukol sa kaniya ng bashers, lalo na sa mga kapwa babae, dahil sa kaniyang rant posts patungkol sa hiwalayan nila ng dating partner na si American actor Lee O'Brian.

Lalo pa itong umigting dahil kamakailan lamang, binasag na ni O'Brian ang kaniyang katahimikan tungkol sa isyu nila ni Pokwang. Malumanay, kalmado, at walang masasakit na salita o pahayag na binitiwan ang aktor para kay Pokwang kaya naman napaghahambing tuloy sila ng mga netizen.

Sa panayam ni ABS-CBN broadcast journalist Karen Davila kay Pokwang na umere sa kaniyang YouTube channel noong Huwebes, Mayo 18, sinabi ng komedyante na sana, hayaan na lamang siya ng netizen na "sumigaw-sigaw" sa social media dahil mahapdi pa sa kaniyang damdamin ang mga nangyari sa kanila ni O'Brian.

"Wala kasi kayo sa sitwasyon ko," ani Pokwang.

'Tama ka na accla!' Pokwang naplastikan sa pa-Mother's Day greet ni Lee O'Brian

"Madaling sabihin 'Mag-move on ka na,' 'Bitter ka,' kasi hindi kayo ngayon ang nakararanas ng pain. Ipagdasal n'yo na huwag mangyari sa inyo, sa mga kamag-anak n'yo, sa best friend n'yo… "

"Hayaan n'yo lang muna akong sumigaw kasi mahapdi. Sumapi muna kayo sa akin nang maramdaman n'yo."

"At ang masakit pa, kapwa ko babae yung mga nanggaganyan sa akin, mga nanay. Nanay kayo, babae kayo, hindi n'yo ko gets?" sey pa ni Pokwang.

Mas tanggap pa raw niya kung lalaki ang mam-bash sa kaniya.

Kaya sabi pa ng komedyante sa kaniyang bashers, magdasal silang mabuti na hindi mangyari sa kanila ang mga nangyari at nararanasan ngayon ni Pokie.