Isinailalim ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang probinsya sa state of calamity dahil sa paglaganap ng African swine fever (ASF).

Idineklara ni Vice Governor Reynaldo Quimpo ang state of calamity nitong Biyernes, Mayo 19.

Sa ulat ng Sangguniang Panlalawigan of Aklan, kinumpirma ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) na pitong (7) munisipalidad ang naitalang may mga kaso ng ASF: Balete, Tangalan, Makato, Numancia, Kalibo, Batan, at New Washington.

Nang tanungin ni Quimpo, ibinahagi ni OPVET chief Dr. Maria Cyresa Leen Mabel Siñel na may sapat ang datos hinggil sa mga kaso ng ASF upang masuportahan ang deklarasyon ng state of calamity.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sinabi rin ni Siñel na dapat na ganap na ipagbawal ng bawat munisipalidad ang paglabas-masok ng mga baboy sa kanilang territorial jurisdictions upang masugpo umano ang higit pang pagkalat ng virus.

Pinayuhan din niya ang mga munisipalidad na magsanay ng sariling produksyon para sa sariling pagkonsumo.

Muli namang iginiit ni Siñel na bagama't ligtas umano para sa mga tao na ubusin ang ASF-infected na baboy, hindi nirerekomenda ng OPVET ang pagkonsumo ng mga baboy na apektado ng ASF virus.

Ang ASF ay sanhi ng isang virus na nakamamatay at nakakahawa sa mga baboy. Sa ngayon, wala umanong bakuna para sa ASF virus.