Sa halip na malungkot at magalit ang isang netizen na si Paulo Abergas matapos nakawin ang kaniyang bagong labang jersey, kuwelang pagpaparinig sa magnanakaw ang ibinahagi niya sa kaniyang Facebook na ikinatuwa naman ng netizens.

"Sa kumuha ng jersey, ito na 'yung short tsaka sapatos balikan mo na lang. Mamaya 1st 5 ka," caption niya sa kaniyang viral Facebook post.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Sa panayam ng Balita kay Paulo, sinabi niyang pinasuyo umano niya sa kaniyang misis na labhan ang kaniyang jersey na susuotin sa kanilang laro, pero pagkauwi niya umano galing sa trabaho nakita niyang hanger na lang ang natira.

Dagdag pa niya, sa sobrang inis niya, ipinasampay niya na rin ang sapatos at short para makasali sa laro ang nagnakaw.

"Noong last Thursday po pinalabhan ko 'yon sa misis ko kasi sabi sa amin may laro kami kinagabihan. Noong naka-uwi na ako galing trabaho wala na sa sampayan 'yung jersey. Bali hanger na lang natira. Kaya sa sobrang inis ko po sinabit ko na yung sapatos tsaka short para kaku kunin na rin at siya na mag laro sa liga," pagkukuwento ni Paulo sa Balita.

Ayon pa kay Paulo, hindi na rin umano siya nakasali sa laro dahil wala na umanong siyang jersey na susuotin.