Ano nga ba ang perks na kalinya mo sa trabaho ang iyong nanay, at hindi lamang iyon, kasamahan pa sa trabaho!

Iyan ang flinex ng award-winning teacher na si Christine Joy Aguila matapos niyang batiin ng Mother's Day ang kaniyang nanay ay co-teacher na si Ma'am Maria Celeste Aguila.

"Perks of having your nanay as your workmate," panimula ni Ma'am Christine sa kaniyang Facebook post.

Sa pagkakataong ito ay inisa-isa ng gurong anak ang perks ng pagiging co-teacher nila ng ina.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

"1. Alarm clock namin ang isa’t isa, bawal ma-late kundi 2 sections kaagad ang walang Filipino teacher."

"2. Nakakapaglagayan kami ng panyo sa pawis na likod pagkatapos ng klase."

"3. May automatic paging system ako sa faculty center kapag tinatawag niya ang pangalan ko, alam na ng buong barangay na hanap niya ko."

"4. Sabay kaming napapagod kapag may batang tumatawag na “Mam Aguila” sa Humanities, parehas kaming lalabas- huhulaan namin sino samin ang kailangan."

"5. May automatic pagkain ako sa table ko kapag may pinapaubos siya, iuwi ko raw kapag ayaw ko."

"6. May merienda kaagad ako tuwing may meeting, tipikal na nanay na nagsusubi para sa anak, di pwedeng mawalan."

"7. Mas tipid sa gas, sabay pasok-sabay uwi (bawal mag-cutting o ang hirap maglakwatsa)."

"8. Laging overtime work at extended unit meeting kaming dalawa sa bahay, sabay nag-tsetsek kahit weekend, gawa lesson, nagbabahagi ng palagay, nagsisitahan, nagkakainisan, nagtatawanan, nagkakampihan… hanggang and ending pinapagalitan niya rin ako (laging tama ang nanay, or ako ang tatamaan syempre)."

"9. Madalas kami magtalo… pero nasa katauhan niya ang pagiging number 1 fan club president ko lalo kapag binabalita ko ang natamo kong karangalan na alay ko sa kanila ni Papsy."

At ang pansampu at higit sa lahat, nakuha raw niya ang pagiging guro sa kaniyang ina.

"10. ANG LAHAT NG PAGIGING GURO KO… NAMANA KO SA KANYA."

"Happy Mother’s Day sa aking Mamsy… sa aming Ginang Aguila ❤️ ❤️❤️ at sa lahat ng mga Dakilang Nanay namin na pagpapala ng Panginoon sa aming mga buhay!" pagtatapos ng Facebook post ni guro, kalakip ang litrato nilang mag-ina.

"Parehas kami ni Mama na Special Science Teacher V (DOST plantilla term) tapos parehas kaming Filipino teacher sa Philippine Science High School Main Campus," pahayag ni Ma'am Christine nang makapanayam ng Balita.

"Siya sa Grade 9 Junior High, ako naman sa Grade 11. (Senior High). Kaya parehas kami talaga ng department at unit."

Si Ma'am Christine ay isa sa mga naparangalan at kinilala sa prestihiyosong "Metrobank Outstanding Filipinos" award sa larang ng akademya noong 2022. Dahil dito, ginawaran at kinilala rin siya ng kaniyang alma mater, ang Philippine Normal University, bilang isa sa mga natatanging alumni.

Noong 2018, kinilala naman siya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang "Ulirang Guro sa Filipino."

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!