Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na pag-ibayuhin ang pagsisikap na tugunan ang tinatawag niyang ‘pandemic of mental health’ o ang suliranin sa mental health ng mga Pilipino dala ng Covid-19 pandemic.
Sa kaniyang pahayag sa isang public hearing hinggil sa pagsisiyasat sa implementasyon ng Mental Health Act (Republic Act No. 11036), binanggit ni Gatchalian kung paanong pinalala ng pandemya ang “vulnerability” ng bawat indibidwal pagdating sa mental health problems.
Saad ng senador, noong 2019 ay nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH) ng 3,125 tawag, kung saan 712 sa mga ito ay nauugnay sa pagpapakamatay habang 2,413 ay tungkol sa iba pang mga alalahaning nauugnay sa mental health.
Taong 2019 din umano nang makapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 2,810 na pagkamatay dahil sa suicide.
Ayon pa sa senador, noong 2020, ang unang taon ng Covid-19 pandemic, umabot sa 11,017 ang mga tawag na natanggap ng NCMH, mahigit triple sa naitala noong 2019. Nasa 2,841 umano sa mga nasabing tawag ang nauugnay sa pagpapakamatay, halos apat na beses ang itinaas sa nakaraang taon, habang ang iba pang mga tawag na nauugnay naman sa mental health ay tumaas sa 8,176. Noong taon ding iyon, 4,420 umano ang naitalang suicide.
Noong 2021, muling tumaas ang mga tawag sa NCMH sa 14,897, kung saan 5,1657 sa mga ito ay mga tawag na nauugnay sa pagpapakamatay at 9,730 ang tungkol sa iba pang mga tawag na nauugnay sa mental health.
“We can see that we are already in a pandemic of mental health, we should already sound the alarm bells. We are already in the danger zone when it comes to mental health. In 2020, more than 4,000 people committed suicide, parang maliit na barangay na ‘yan, buong barangay nagpakamatay,” ani Gatchalian.
Bagama't pinuri ng senador ang inisyatiba ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mag-alok ng out-patient financing program, na siyang magpapataas umano sa access sa mental health services, iginiit niyang kinakailangang mas palakasin pa ng gobyerno ang mga aksyon para sa mga isyu ng mental health.
“I implore the Department of Health and PhilHealth to do everything they can, not only to implement the law, but to care for our constituents,” saad ni Gatchalian.
Inihain din umano ng senador bilang isa sa kaniyang mga priority measure sa kasalukuyang Kongreso ang Senate Bill No. 379 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na naglalayon umanong palakasin ang paghahatid ng mental health services sa mga basic education schools sa bansa.