Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang taga-Iloilo ang pinalad na magwagi sa ₱225-milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola nitong Biyernes ng gabi.

Sa paabiso nitong Sabado, sinabi ng PCSO na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination na 14-05-44-25-01-36 ng MegaLotto 6/45 na may total jackpot prize na ₱225,248,638.

Nabili anila ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Pavia, Iloilo.

Upang makuha ang kanyang papremyo, pinayuhan naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang lucky winner na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong ID.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pinaalalahanan din ni Robles ang bagong lotto multi-millionaire na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagbola dito ay otomatikong mapupunta sa kawanggawa.

Alinsunod naman sa TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay otomatikong papatawan ng 20% tax.

Muli ring hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.