Sa pambihirang pagkakataon, ibinahagi ng award-winning journalist na si Kara David ang kaniyang love story sa podcast ni Nelson Canlas.

Sey ni Kara, nakilala niya ang mister na singer-composer na si LM Cancio sa isang benefit concert. Nagkataong dumalo roon si Kara, at ang nakakaloka rito, imbes na "love at first sight" eh "love at first hear" ang nangyari sa kaniya.

Pag-amin ni Kara, hindi siya mahilig dumalo sa concerts, at kaya lamang naroon ay dahil sa mga pagkain.

"Habang kumakain ako, biglang umakyat sa stage si LM, tapos biglang nagsabi ng 'Good evening, everyone'. Nang narinig ko yung 'Good evening, everyone', sabi ko, 'Ang guwapo ng boses!'" kilig na pahayag ni Kara.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

"As in, naniniwala na ako ngayon na hindi lang love at first sight, love at first hear din. Yung katabi ko, yung direktor ng iWitness, sabi niya, 'Sana gwapo rin yung fez.' Sabay kami tumingin sa stage. Pagtingin namin, sabi ng direktor ko, 'Ay, 'di ko type, medyo maitim saka chubby pero alam ko type ni Kara 'to kasi may dimples saka mukhang Pinoy.'"

Pero kay Kara, bukod sa pumasa sa kaniyang pandinig ay pasado rin ito sa paningin niya. Dahil nakyutan, na-dare tuloy siya ng mga kasama na pangitiin ito at palabasin ang biloy sa pisngi.

"Habang kumakanta siya, kinukuha ko ang atensyon niya para mag-smile siya sa akin. Ang ending, hindi siya ngumingiti kasi nakapikit siya ayaw niya pala akong tingnan. Nang bumaba ng stage si LM, hinarangan ko, sabi ko, 'Ang galing mo.' Syempre nag-smile na ang lolo mo, kaso lang sabi niya, 'Thank you po, ma'am.' Na-ma'am zone ako!"

"Sinundan ko ng tingin kung saan papunta, lumabas na dala-dala yung gitara. 'Uuwi na 'to, uuwi na rin ako para makasalubong kami sa labas.' Paglabas ko, nando'n nga siya. Lumapit sa akin, sabi, 'Ma'am, puwede po bang magpa-picture?'"

Sa pagkakataong ito, inamin daw ni LM na may dalawang celebrities lang siyang hinahangaan: si Alice Dixson at siya.

"Tapos binigyan niya ako ng CD niya na may mga kanta, sabi niya bata pa lang daw siya, crush na raw niya 'ko. Ito ang eksaktong sinabi niya: 'Alam ko po baka ma-creep out po kayo sa akin pero baka hindi na po ulit tayo magkita so sasabihin ko na lang, na high school pa lang ako, dalawa lang ang crush ko sa mundo, kayo po saka si Alice Dixson.'"

At siyempre, alam n'yo na… dahil pareho naman nilang bet ang isa't isa, tila pinagtagpo sila ng tadhana ng mga sandaling iyon.

Binanggit din ni Kara ang payo sa kaniya ng batikang broadcaster at kapwa Kapusong si Mel Tiangco, na aniya ay hinding-hindi niya makalilimutan.

"Hindi ko makakalimutan yung sinabi ni Tita Mel na parang 'Ayusin mo muna yung sarili mo, you complete yourself first, kasi 'pag maganda na yung sarili mo at kompleto na yung sarili mo, ma-aattract mo yung tamang tao."

Pagdating naman sa kanilang long distance relationship dahil nagtatrabaho si LM ngayon bilang sea man, secured ang pakiramdam ni Kara na hinding-hindi siya lolokohin at sasaktan ng mister.

"Alam ko na exception to the rule yung asawa ko, kasi unang-una secure ako sa relationship namin," aniya.

"Alam ko na hindi siya gagawa ng anything na ikakaselos ko."

"Secure ako sa sarili kong maganda ako. Para sa mata ng asawa ko alam ko, ako pinakamaganda."