Nagdulot ng katatawanan sa mga netizen ang kaaliw-aliw na diskarte ng isang Grade 4 pupil upang hindi mabawasan ang kaniyang puntos sa "no erasure" policy ng guro sa pagsagot ng kanilang pagsusulit.

Nagtaka umano ang guro-content creator na Irene Alvarado o kilala rin bilang "Maestra" sa kaniyang pupil na si Natalie Abbott ng Francisco Henson Elementary School sa Porac, Pampanga nang makita ang punit sa ipinasang test paper ng bata.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

"Oh, bakit 'to may punit?" tanong ng guro na maririnig sa kaniyang TikTok video.

Dahil nga raw bawal ang bura, pinunit na lamang ni Natalie ang bahaging may pagkakamali siya, dahil hindi naman sinabing bawal ang may punit.

"Kasi bawal teacher yung bura. Pinunit ko na lang, para magka-50 points."

"Bakit di ko 'to naisip nung college ako! HAHAHAH," caption ng guro.

Bagama't naaliw si Teacher Irene, pinaalalahanan niya ang bata at ang kaniyang klase na huwag pupunitin o dudumihan ang test papers sa susunod na pagkakataon. Ang no erasure policy ay kadalasang bahagi ng panuto sa isang pagsusulit upang maiwasan ang kopyahan o cheating ng mga mag-aaral habang kinukuha at sinasagutan ang pagsusulit.

Sa iba pang TikTok videos ng guro, makikitang naiyak ang bata nang maitampok ito sa isang ulat ng GMA News dahil nakita niya ang sarili sa telebisyon.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!