Isiniwalat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Martes, Mayo 9, na hanggang ngayon ay tinatawagan pa rin siya ni suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ngunit hindi na raw niya ito sinasagot.
Sa isang press briefing sa Senado, sinabi ni dela Rosa na kahapon lamang ay tinawagan siya ni Teves ngunit hindi raw niya ito sinagot dahil ayaw niyang isipin ng iba na naiimpluwensyahan siya nito.
“Ayoko na kausapin,” saad ni dela Rosa. “Pasensya ka na Arnie, kaibigan tayo pero huwag muna, break muna sa communication dahil baka mamaya may issue. I want to stay as clean as I can be.”
Isa si Teves sa mga tiningnan ng Department of Justice (DOJ) na mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla
Nitong lamang ding Martes ay kinumpirma naman ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa lungsod ng Dili sa Timor Leste si Teves para humiling umano ng protection visa at special asylum status doon.
BASAHIN: Teves, nasa Timor Leste para sa ‘asylum’ – Remulla
Ayon naman kay dela Rosa, ang tanging dahilan kaya ginawa iyon ng kongresista ay dahil ayaw pa rin nitong umuwi sa Pilipinas.
Naniniwala rin ang senador na posible lamang na makakuha si Teves ng asylum sa Timor Leste kapag “nabola” niya ang mga opisyal sa nasabing bansa.
“Depende kung mabola pa niya ‘yung Timor Leste when he says he is being politically persecuted in my country. Baka ma-grant sa kaniya, depende kung mabola niya,” saad ni dela Rosa.
Iginiit naman ng senador na walang politika sa nangyaring pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kung saan siya ang chairman, hinggil sa pagpaslang kay Gov. Degamo at walong iba pa.
Sinabi rin ni dela Rosa na mas makabubuti kung umuwi na lamang ng bansa si Teves at sagutin ang lahat ng mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
Matatandaang umalis si Teves ng bansa noong Pebrero 28 para umano sa stem cell treatment sa United States, at inaasahang bumalik noong Marso 9 dahil sa pagkapaso ng travel clearance nito na inisyu ng Kamara.
Ngunit hanggang ngayon ay tumatanggi itong umuwi ng Pilipinas dahil umano sa banta sa kaniyang buhay.