Pasado na sa House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, Mayo 8, ang House Bill No.7584 na naglalayong i-ban ang polisiyang ‘no permit, no exam’ policy sa mga pribadong paaralan sa bansa.

Naipasa ang panukala matapos umanong sumang-ayon ang 259 miyembro sa Kamara, habang walang tumutol at nag-abstain dito.

Sa ilalim ng panukalang batas, mabibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante sa pribadong paaralan na kumuha ng mga pagsusulit sa kabila ng hindi pa nababayarang school fees dahil sa emergencies, force majeure, at iba pang makatwirang dahilan.

Upang matiyak ang pagsunod, papatawan umano ng administrative sanctions ang private basic education institutions na mapatutunayang lumabag sa anumang probisyon alinsunod sa mga kapangyarihan ng Department of Education sa ilalim ng Batas Pambansa (BP) Blg. 232 o mas kilala bilang "Education Act of 1982" at Republic Act No. 9155, na kilala rin naman bilang "Governance of Basic Education Act of 2001".

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Samantala, para maging balanse naman umano sa panig ng estudyante at private schools, kinakailangang gumawa ng promissory note ang mga magulang o tagapag-alaga ng mag-aaral bago ang pagkuha nito ng exams.

Higit pa rito, kinakailangan din mabayaran ang mga obligasyon sa pribadong eskwelahan bago o sa pagtatapos ng school year.

Maaari umanong mag-isyu ang eskwelahan ng naaangkop na clearance at transfer credentials para sa mga estudyante sa elementarya at sekondarya na hindi pa nakapagbabayad ng kanilang obligasyon kahit tapos na ang school year. Pwede rin daw hindi tanggapin para sa susunod na enrollment ang mga estudyanteng hindi pa fully paid sa nakaraang school year.

Ang mga magulang, tagapag-alaga, o mag-aaral na napatunayang nagkasala sa paggawa ng anumang pandaraya, kasinungalingan o maling representasyon sa pagkuha ng mga nasabing benepisyo ay sasailalim din sa naaangkop na administrative at disciplinary sanctions sa private basic education institution.