Naghahanap ka ba ng cute at unique souvenirs o panregalo sa kapamilya, kaibigan, katrabaho, o jowa?

Viral ang Facebook post ng netizen na si "Roy Anthony Relos" matapos niyang i-flex ang kahanga-kahangang paninda ng isang tindero, na nakapuwesto sa kahabaan ng Morayta sa Maynila.

Ayon sa caption ni Roy, naglalakad siya sa Morayta nang mamataan niya ang kakaiba at cute na paninda ng tinderong nagmula pa sa Bulacan.

"Kanina habang naglalakad ako sa Morayta, nakita ko si Tatay nagtitinda ng mga pwedeng iregalo sa pamilya, jowa at nung tinanong ko kung magkano. may tag 10 pesos at 15 pesos s'yang tinitinda and plus 5 pag magpapalagay ng tali!"

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

Nakakatuwa raw ang mga panindang keychain ng tindero dahil siya mismo ang gumawa nito. Makikita ang iba't ibang kulay ng artipisyal na bulaklak na nakasilid sa maliit na botelya.

"Habang nag-uusap kami ni kuya, nakuwento nya sa akin na napadayo lang s'ya sa Morayta at s'ya lang mag-isang gumagawa ng mga tinitinda n'ya at galing pa s'yang bulacan."

"Sana pag nakita n'yo si Kuya, bili kayo sa kaniya kasi super ganda ng mga gawa nya at sabi n'ya babalik daw s'ya next week para magtinda."

Kinuhanan niya ng litrato ang tindero at mga paninda nito at humingi ng permiso kung puwede siyang i-post sa social media. Pumayag naman ito.

Sa comment section ni Roy ay bumaha naman ng komento mula sa mga netizen na nagkaroon ng interes sa mga paninda ng tindero.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 6k shares, 8.1k reactions, at 446 comments ang naturang Facebook post.

Ayon sa panayam ng Balita kay Roy, 20-anyos mula sa Quezon City, Third Year ng kursong BS Internal Auditing sa FEU-Manila, kahanga-hanga ang mga kagaya ng naturang tindero kaya nararapat lamang silang suportahan.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!