Patay ang isang lalaki nang masagasaan ng isang kotse habang tumatawid sa isang madilim na bahagi ng kalsada sa Antipolo City nitong Biyernes ng gabi.

Naisugod pa sa Cabading Hospital ang biktimang si Stephen Fullero ngunit idineklara na ring dead on arrival ng mga doktor dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan habang arestado naman ang umano suspek na nakilalang si Teodoro Odulio.

Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police Station na dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, Central 1 Inarawan, Brgy. Inarawan, Antipolo City.

Nauna rito, tumatawid umano ang biktima sa isang madilim na bahagi ng naturang kalsada nang bigla na lang itong mabangga ng Mitsubishi Lancer na may plakang UHH-976, na minamaneho ni Odulio, na noon ay patungo sa direksiyon ng Boso-boso.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Tinangka pa umano ng driver na tumakas sakay ng kanyang behikulo ngunit hinabol at malaunan ay nahuli rin ng mga concerned citizen sa lugar, saka itinurn-over sa mga otoridad.

Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.